old is new again

Mabuti naman dumaan ang Friday nang walang aberya, at natuloy ang maliit na reunion ng ilan sa mga Perspective pips. Kahit totoo na wala ako nung tinatawag na social life na masayang ibinabandera ng ilan, ito na yata ang equivalent nun sa aking mundo: bilang na katiwa-tiwalang mga kaibigan na, ironically, ay nagsama-sama ulit para sa isang puyatan--tulad ng dati. Ngayon lang ay walang diyaryong iniisip at deadline na hinahabol. Mamahaling kape lang ngayon, hindi yung nasa lata at may kasama pang isang bag ng LaLa.

Kamustahan: may isang news reporter na lilipat na sa travel, may isang na-destino na sa Davao, may isang nakapasa sa UPCM (tama ba?), dalawang gurong patapos na sa MA nila, at isang game developer na ganun pa rin ang buhay. Ako na lang yata ang walang mai-announce na bago. Raid? Retrenchment? Revival? Old news.

Parang walang nawala sa tatlong taong lumipas, nang magkita ay tuloy pa rin ang kwentuhan. Ganun pa rin ang asaran, nagbago lang ang mga side topics at nag-iba lang ang tema. Laid back lahat pero hyper pa rin. May nagdala ng syota, may nagre-remind na may pangakong binitiwan (haha), may ibang wala pa rin, at may ibang wala lang pakialam. Nanlibre ang isa sa dalawang nagpapanggap na walang pera (wehehe, salamat Oli!), pero baka nga wala silang pera. Nanibago ang dalawa sa loob ng Poweplant mall, elitista raw kasi sabi ng isa. May nagka-crush sa nakasabay sa elevator, at may inantok sa pinapanood na Angels & Demons. Muli, tulad ng dati.

Ito marahil ang totoong kahulugan ng TGIF.

Salamat kila I, K, K8, Oli, at Seph sa magulong gabi (at umaga). Ika nga ni Apo (na hindi nakapunta), "Hardcore!"




(Walang nag-abalang kumuha ng pictures, corny kasi)

0 comments: